Kinagiliwan ng netizens ang literal na “we are pregnant” na peg ng isang mag-asawa sa kanilang maternity photoshoot dahil aakalaing buntis din ang mister sa Obando, Bulacan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa State of the Nation, itinampok ang maternity shoot ng mag-asawang sina Mona at Lu Meneses na aakalaing magkumare na parehong buntis.

Tunay na buntis si misis samantalang “belly belly blessed” naman si mister.

Ayon kay Lu, ayaw niyang pakabog sa kaniyang asawa, kaya habang nagme-makeup si Mona, naisipan niyang magbihis din.

Kaya naman nag-alok sa kaniya ng wig ang mga stylist, hanggang sa siya na ang inaasikaso sa buong session.

Naaliw maging ang may-ari ng photo studio sa pakulo ng mag-asawa.

Aliw na aliw din ang netizens dahil tila literal na “we are pregnant” ang mag-asawa.

Kinagiliwan din ang kanilang newborn photo session dahil si Lu pa ang tila nagluwal sa baby.

Sa likod nito, ipinaramdam ni Lu kay Mona na lagi siyang magiging katuwang nito at hinding hindi siya mag-iisa.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News