Anim ang sugatan nang umarangkada papasok sa loob ng bangko sa Quezon City ang isang SUV.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente dakong 5:00 pm habang banking hours pa sa Barangay Pasong Putik.

Sumalpok ang SUV at lumusot hanggang sa loob ng bangko.

Anim ang nasaktan kabilang ang ilang empleyado at kliyente ng bangko. Isinugod ang mga biktima sa ospital.

Nasa kostudiya naman ng pulisya ang driver ng SUV.

Sa report ng pulisya, lumalabas na umaatras umano ang SUV nang matamaan nito ang isang nakaparadang sasakyan.

Aabante umano ang SUV pero sa halip na break pedal ang maapakan, accelerator pedal ang naapakan ng driver kaya umarangkada padiretso sa bangko ang SUV.-- FRJ, GMA Integrated News