Kakaiba ang pakulo ng isang seaman nang sorpresahin niya ang kaniyang nobya sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at inalok ng kasal.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Miyerkules, makikita sa viral video na nagtago mula ang seaman na si Mark Magnaye na may dalang bulaklak sa itaas ng LRT-1 Bambang Station.

Maya-maya lang, dumating na ang kaniyang girlfriend na si Wenzel Odono na bumaba sa tren.

Papaalis na sana ang dalaga nang tawagin siya ni Mark at ibigay ang hawak na bulaklak.

Ilang saglit lang, lumuhod na si Mark at kinuha mula sa bulsa ang singsing at binitawan ang mahalagang tanong na, "Will you marry me?"

Hindi naman nabigo si Mark dahil ibinigay ni Wenzel ang matamis na "yes."

"Akala ko susunduin kita sa airport pagbaba ng barko, pero mas maaga pa pala baba mo at may pa-surprise ka pa and kung [saan] tayo unang nagkita," sabi ni Wenzel sa TikTok video. -- FRJ, GMA Integrated News