Kabilang ang umano'y mastermind sa pawnshop robbery sa Cebu sa mga pumasa sa 2023 Bar examinations. Bagaman nakadetine sa police station, umaasa siyang makakadalo sa oath-taking and roll-signing sa Disyembre 22.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na bagong abogado na si Jigger Geverola ng Barangay Gutlang, Argao sa Cebu.
Nagtapos si Geverola ng kaniyang law studies sa Southwestern University sa Cebu City.
Inaresto si Geverola ng Cebu City Police Office dahil sa pagiging mastermind umano sa Oro Sugbu Pawnshop and Jewelry Store sa Barangay Kalubihan sa Cebu City noong November 25.
Nang makapanayam sa police station, sinabi ni Geverola sa mga mamamahayag na magkahalo ang kaniyang nararamdaman at umaasa siyang makadalo sa oath-taking.
Kapag naging abogado, handa umano niyang tulungan ang mga nakadetine sa Cebu City Police Office na "pro bono" o libre.—FRJ, GMA Integrated News