Upang manawagang huwag nang magpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, pumarada sa paligid ng isang mall sa Quezon City, ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS), Ecowaste Coalition, fur parents, fur babies at ilang volunteers.

Ayon sa isang environmental specialist, may masamang epekto sa kalusugan ng tao't sa kalikasan ang mga kemikal at heavy metals na nagbibigay ng iba't ibang kulay sa fireworks.

Sabi ng environmental health specialist na si Dr. Geminn Louis Apostol, "'Yung green, blue, purple, it includes cadmium, which is also an irritant but in the long term can cause cancer, liver and kidney problems… ito pong perchlorate it's a persistent organic pollutant. Ibig sabihin, even after the smokes have dissipated, these perchlorates can stay in the environment even for years."

Ang mga paputok, samu't sari raw ang masamang epekto sa mga hayop.

Ayon sa veterinarian na si Dr. Christian Cangco, ang malalakas na tunog ng paputok, maaaring magdulot ng psychological stress, halimbawa sa mga aso't pusa na may pandinig na apat na beses ang sensitivity kumpara sa tao.

"Puwedeng mag-cause ng hearing damage talaga. Okay kung bumalik pero may mga cases talaga na nasisira na 'yung kanilang pandinig po," ani Cangco.

Maaari rin daw mauwi ang stress sa pag-atake ng mga blood parasite sa mga hayop.

"Common sa mga aso natin ang may blood parasite. Naghihintay lang 'yan na ma-stress ang aso para umatake sa katawan ng dogs. Second is viral infection like mga flu-like viruses once na-stress ang aso natin, talagang naging opportunistic 'yan," dagdag ni Cangco.

Ang masakit pa, maaari rin daw mamatay ang aso kapag nalanghap nila ang usok mula sa mga paputok.

Kaya naman payo ng beterinaryo at ng PAWS, ipasok ang mga aso sa loob ng bahay at ilagay sila sa loob ng kuwarto para maibsan ang ingay na kanilang maririnig.

May pakiusap si PAWS Executive Director Ana Cabrera sa mga dog owners na pinatutulog sa labas ang mga alaga, lalo na sa mga naglalagay sa mga ito sa mga cage o kulungan.

"Kung maaari lang nakikiusap kami minsan sa isang taon na ipasok nyo ang inyong alagang aso sa loob ng bahay ito ang pinaka-humane way na puwede niyong i-offer sa inyong pet kung hindi niyo man lang silang mabibigyan ng puwang sa inyong bahay bilang member ng family," sabi ni Cabrera.

Puwede rin silang ilagay sa loob ng sasakyan para mabawasan ang naririnig nilang ingay, basta't may kasama.

Maaari rin silang lagyan ng anxiety wrap na magsisilbing pangyakap sa kanila.

Kapag natatakot ang fur babies o, nanginginig sa oras ng putukan, bigyan sila ng comfort sa pamamagitan ng pagyakap at paghimas para mapakalma sila.

Puwede rin silang bigyan ng laruan o treats para malibang.

Marami naman daw natutuhan ang mga fur parents na dumalo sa event tulad ni Adrian Gratuito na may 8-month-old fur baby.

Sabi ni Adrian, "Dati, ang tanging alam ko lang pag New Year eh itatago natin sa mga banyo 'yung aso pero marami akong natutunan na puwede pang gawin sa mga aso lalo na pagdating ng New Year. — VDV, GMA Integrated News