Hindi na umabot sa kaniyang ika-60 kaarawan sa Linggo ang isang lalaki sa Mangaldan, Pangasinan matapos silang mabundol ng motorsiklo. Ang anak na nasa London, may sorpresa pa sana sa kaniya.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya kaninang madaling araw sa Barangay Malabago.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na patawid ng kalsada ang biktima na si Joey Guario, nang mabundol siya ng motorsiklo na mabilis umano ang takbo.

Nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan ang biktima, at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Magdiriwang sana ng kaniyang ika-60 taong karawan sa Linggo si Guario, at ayon sa mga kaanak ay sosorpresahin sana siya ng kaniyang anak na nasa London.

Nagtamo rin ng sugat ang rider ng motorsiklo pero ligtas siya at walang ibinigay na pahayag.
Ayon sa pulisya, isinailalim na sa inquest proceeding kanina ang rider.

Samantala, isang 52-anyos na lalaki sa Cagayan de Oro ang nasawi rin matapos mabangga ng isang motorsiklo sa mismong araw ng Pasko.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News, sinabi ng Traffic Unit ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), na nagtamo ng minor injuries ang rider na 24-anyos.

Inamin umano ng rider na nakainom siya, at nakabangga pa ng nakaparadang sasakyan.

Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.  --FRJ, GMA Integrated News