Tapyas-presyo sa mga produktong petrolyo ang bubungad sa mga motorista sa 2025 sa susunod na linggo.

"There will be an expected rollback in the domestic pump prices,” sabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, batay sa galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa international trading sa nakalipas na apat na araw.

Tinatayang P0.30 hanggang P0.65 per liter, ang mababawas sa presyo ng gasolina; P0.30 hanggang P0.55 per liter sa diesel; at P0.80 hanggang P0.90 per liter naman sa kerosene.

“This estimated adjustment is triggered by the IEA’s (International Energy Agency) continued expectation of an oversupplied oil market in 2025 even if OPEC+ (Organization of the Petroleum Exporting Countries Plus) holds production steady or continues to delay the unwinding of its voluntary production cuts,” ayon kay Romero.

Posible pang magbago nang bahagya ang tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo depende sa kalalabasan ng huling kalakalan ng linggo ngayong Biyernes.

Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang magiging price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad naman sa susunod na araw ng Martes.

Nitong nakaraang Martes, na bisperas ng Pasko, nagkaroon muli ng oil price hike sa gasolina na umabot ng P0.50 per liter, habang P1.45/L sa diesel, at P0.75/L sa kerosene.

Dahil sa naturang pagtaas, umabot na ngayong taon sa kabuuang P13.05 per liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina, at P11.30/L naman sa diesel.

Nasa P1.80/L naman ang kabuuang nabawas sa presyo ng kerosene ngayong taon.— mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ,GMA Integrated News