Iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi "pork barrel" fund ang pondo sa Kapos ang Kita Program (AKAP), na nakalaan bilang ayudang pinansiyal para sa mga minimum wage earners at "near-poor" na mga Pinoy.
“Let me reiterate that all the DSWD’s Field Offices across the country serve people in need, whether they are walk-in clients or referrals from local government unit (LGU) officials,” saad ng kalihim sa isang pahayag.
Ipinaliwanag niya na ang mga social worker ng DSWD ang nagpoproseso ng mga aplikasyon para sa AKAP at sila ang nagdedesisyon kung anong halaga ng tulong ang matatanggap ng mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Ginawa ni Gatchalian ang pahayag bilang tugon sa mga sinabi ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, na inihalintulad ang AKAP cash assistance sa kontrobersiyal na pork barrel system, at ang mga opisyal ng barangay ang magbigay ng listahan ng mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni Gatchalian na walang anumang probisyon sa mga alituntunin ng AKAP na nagpapahintulot sa mga opisyal ng barangay na tukuyin kung sino ang mga dapat na maging benepisyaryo sa programa.
“With due respect to the former Supreme Court Justice, AKAP is not pork barrel. Any good Samaritan can refer potential beneficiaries, and barangay officials have no role in the selection process as outlined in our guidelines,” paliwanag ng kalihim.
Nilinaw pa ni Gatchalian na bagamat maaaring mag-refer ang mga mambabatas at lokal na opisyal ng pamahalaan ng mga potensyal na benepisyaryo, ang mga social worker ng DSWD pa rin ang siyang nagsusuri at maglilista kung sino ang mga tatanggap ng ayuda.
“The original purpose of AKAP is to protect minimum wage earners and near-poor Filipinos from the effects of inflation, which reduces their purchasing power. The program provides assistance tailored to address individual needs, particularly for goods and services impacted by high inflation,” ayon sa kalihim.
Ang proposed 2025 national budget na inaasahang pipirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na linggo, nakapaloob ang P26-bilyong alokasyon para sa AKAP.
Ayon sa DSWD, halos limang milyong "near-poor" na Pilipino ang nakinabang mula sa AKAP sa unang taon ng pagpapatupad nito, mula Enero hanggang Disyembre 26, 2024. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News