Isinugod sa tatlong ospital ang isang batang lalaki na apat na taong gulang matapos makalunok at bumara sa kaniyang lalamunan ang P5 barya sa Cebu.
Sa ulat ni Niko Serreno ng Balitang Bisdak sa GMA News Saksi nitong Biyernes, ikinuwento ng ina ng bata na taga- Caubian Islands sa Lapu-Lapu City, Cebu, na humingi ng barya ang kaniyang anak noong Huwebes.
Kinalaunan, nakita nila na bigla na lang nagsuka ang bata.
"Nagtaka ang aking partner kung bakit sumuka, ako nag-expect lang na nakakain siya sa paninda doon sa amin na parang jelly," anang ginang.
Binalewala ng ginang pagsusuka ng anak hanggang sa muling sumuka ang bata kaya dinala na nila sa isang community hospital sa kabilang isla.
Sinubukan doon na pakainin ang bata pero ininda nito ang pananakit ng lalamunan. Nang ipa-X-ray, nakita na ang nakabarang barya sa kaniyang lalamunan.
Dahil sa natuklasan, inilipat ang bata sa isang ospital sa Lapu-lapu city pero wala ring sapat na gamit para alisin ang barya sa lalamunan nito.
Kaya naman pinayuhan ang ginang na dalhin ang anak sa Vicente Sotto Memorial Hospital sa Cebu City.
Ayon sa ulat, hindi pa binabalikan ng ginang ang news team upang malaman kung naalis na ang barya sa lalamunan ng bata. -- FRJ, GMA Integrated News