Ipinakita ng isang bride na higit pa sa kamatayan ang pagmamahal niya sa kaniyang pumanaw na groom nang pakasalan niya ito sa mismong burol nito sa Kapalong, Davao del Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing itinuloy pa rin ni Aiza Ayala ang pagpapakasal sa kasintahang si Mardie Perdez.

Habang isinasagawa ang seremonya, hawak ni Aiza ang kuwintas na sumisimbolo ng mga natitirang alaala nilang magnobyo.

Ayon sa bride, pareho silang nagmula sa long-term relationship nang magkakilala.

Tumagal ang kanilang relasyon ng walong buwan bago sila magdesisyong magpakasal.

Ngunit nitong Oktubre, natuklasang may sakit sa baga si Mardie, hanggang sa pumanaw ito noong Nobyembre 1.

Ayon kay Aiza, maikli man ang panahong nagkasama sila, mananatiling buhay ang pagmamahal niya sa binata.—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News