Sa halip na pasagutin ng "Present!" pinakakanta ng isang guro ang kaniyang mga estudyante ng aria ni Mozart sa kanilang attendance check para magising at maging mas buhay pa ang kanilang klase.
Sa ulat ng Saksi, sinabing problema ng gurong si Pat sa isang unibersidad sa Maynila ang paghikab ng ilang estudyante.
Kaya naman nakaisip siya ng special technique sa pagkuha sa attendance.
Sa kanilang attendance check, kailangang kantahin ng mga estudyante ang Queen of the Night aria ng classical composer na si Mozart.
Kinagiliwan ito ng ilan niyang mga estudyante kaya tila nasa audition sila habang kumakanta, habang ang iba naman ay tila umiiyak.
May isa namang tila humihinga lang habang ang isa ay nahihiya.
Sinabi ni Sir Pat na close talaga sila ng kaniyang klase at laging nagbibiruan.
Ayon pa sa guro, nakaaantok ang night class kaya nag-isip siya ng pampagising na kaaaliwan din ng mga estudyante. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News