Nauwi sa disgrasya ang paglapit ng isang babae sa isang mabalahibong aso na nasa gilid ng daan matapos siyang atakihin nito sa China.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video na umupo ang babaeng biktima at ang kaniyang kasama sa harapan ng aso.

Pero maya-maya lang, sinagpang na ng aso ang isang babae na napahiga sa semento.

Isang lalaki naman ang umawat sa aso para itigil ang pag-atake. Nanatili namang nakahiga sa kalsada ang biktimang babae.

Ayon sa amo ng aso, karaniwang mabait ang kaniyang alaga at hindi naman nangangagat.

Posible umanong may nagawa ang biktima na ikinagalit ng aso.

Gayunman, handa raw ang may-ari ng aso na sagutin ang gastusin sa pagpapagamot sa biktima. -- FRJ, GMA Integrated News