Sa sukat na 14 x 8.5 inches o kasinglaki ng legal size bond paper, pumapangalawa sa pinakamalaking bank note sa mundo ang P100,000 bill. Ang halaga nito ngayon kung ibebenta, alamin.
Sa programang “AHA!,” sinabing inilabas ang dambuhalang pera noong 1998. Makikita rito ang mga logo ng Philippine Centennial Commission at Bangko Sentral ng Pilipinas.
Nasa P100,000 din ang imahe ng Sigaw sa Pugadlawin, habang nasa likod nito ang mga disenyong magpapa-alala sa deklarasyon ng kalayaan ng ating bansa.
Sinundan ng P100,000 ang 600 Ringgit banknote ng Malaysia, na may sukat na 14.5 x 8.6 inches.
Isang libong piraso lang ng naturang special donomination na P100,000 ang inilabas sa publiko ng BSP.
Isa sa mga mapapalad na nagmamay-ari nito ang money collector na si Philip Rido, na hindi lang isa o kundi walo ang binili.
Nabili niya ang mga ito sa halagang P120,000 kada piraso.
Ayon kay Azel Rido, asawa ni Philip, itinago nila ang mga bank note sa mga kahon para hindi pasukan ng mga langgam at maiwasan ang moisture.
Nakalagay ang mga ito sa kuwarto na may air-con.
Nasa halos 10,000 na ang koleksyon ni Philip ng iba’t ibang pera, na ang ilan ay naibenta na rin niya.
Kung ibebenta umano sa auction ang naturang dambuhalang pera, aabot ang presyo nito sa P800,000 ang bawat isa.
Pumayag kaya si Philip na ibenta ang kaniyang koleksyon? Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News