Nag-viral ang post kamakailan ng isang 19-anyos na psychology student sa Bacolod City, Negros Occidental matapos niyang ilahad ang kaniyang naging karanasan nang sumakay sa isang modern jeepney at singilin umano ng konduktor ng dobleng pamasahe dahil dalawa raw ang sakop niyang upuan.
Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabi ng estudyanteng itinago sa pangalang "Lanie," na hindi niya ikinahihiya ang kaniyang katawan na itinuturing “plus size.”
Pero labis siyang naapektuhan sa pamamahiya umano ng konduktor na ginawa sa harap ng iba pang mga pasahero.
Ayon kay Lanie, tinanong siya ng konduktor kung estudyante at ?22.00 umano ang kaniyang babayaran dahil dalawang upuan ang kaniyang masasakop.
Bagaman ipinagtanggol ng ibang pasahero, nagpasya ang estudyante na bumaba na lang, at doon na siya naiyak.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang RSJ Lines, Inc. na operator ng jeepney. Humingi ito ng paumanhin sa inasal ng konduktor na kanila na umanong sinuspinde.
Sa panayam, inihayag naman ng 32-anyos na konduktor na nagbibiro lang siya sa estudyante pero napagtanto niya kinalaunan na mali ang kaniyang sinabi.
Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan sa mga operator na igalang ang kanilang mga pasahero.-- FRJ, GMA Integrated News