Hindi makapaniwala ang isang Grade 10 student nang makita ang mahabang kapa na gawa sa plastic at naglalaman ng tig-P1,000 na P1 milyon ang kabuuang halaga. Ang pera, regalo sa kaniya ng kaniyang kuya.
Sa programang "Good News," sinabing ang P1 milyon ay regalo ni Christian Merck Grey sa nakababata niyang kapatid na si Charles Joseph Baybay, o CJ.
“Nung napag-usapan namin ng wife ko, ang ireragalo talaga namin is kotse," ani Christian. "And then, babalik na siya sa US, ''wag kotse, sabi ko, pera kaya?”
Batid naman daw ni CJ na may regalo sa kaniya ang kaniyang kuya pero hindi raw niya inasahan na P1 milyon na cash ito.
“A cape and it had a lot of money in it! I was like, ‘Nah, this gotta be a prank!,’” kuwento ni CJ.
Ayon kay Christian, noon una ay hindi niya kaagad natanggap si CJ bilang kapatid niya sa ina. Pero nang tumagal, naramdaman na niya ang pagiging kuya niya sa mas nakababatang kapatid.
Sabi ng asawa ni Christian na si Pamela, deserve ni CJ ang naturang regalo.
“Deserve kasi ni CJ 'yung 1 million kasi matalino siya, with honors siya grumaduate, and mabait talaga siyang bata,” ani Pamela.
Bukod sa P1 milyon na cash, may regalo pa si Christian na gold necklace para kay CJ.
Pero ano kaya ang gagawin ni CJ sa pera?
“I think I’d rather use that one million to invest in my business or whatever in the future,” saad niya na ipagkakatiwala na muna sa kanilang ina ang pera.—FRJ, GMA Integrated News