Aabot sa milyong halaga ng pera ang kumalat sa Cebu South Coastal sa Cebu City nang bumukas ang bag ng isang money collector na nakasakay lang sa motorsiklo.
Ayon sa ulat ni Nikko Sereno ng Balitang Bistak sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, tinatahak ng money collector ang Cebu South Coastal Road nang hindi niya namalayan na nasira ang kaniyang backpack na pinaglalagyan ng kaniyang pera na aabot sa P4 milyon.
Kagagaling lang umano ng lalaki sa pangongolekta mula sa iba’t ibang payment kiosk at e-money kiosk sa isang mall sa South Road Properties at papunta sa Mandaue City para mag-remit nang mangyari ang insidente.
Nalaman lang ng lalaki na bumuhos na sa kalye ang dala niyang pera nang sabihan siya ng isang motorista.
“Nalito ako, pagtingin sa side mirror, walang nagsunod at may mga pera nang lumilipad-lipad ba. Tumigil ako, pagkakita ko, ang bag ko na pala ang pumutok kaya nag-diretso ako ng U-turn. Hinarangan ko pa ang mga sasakyan pero hindi na ako nakalapit dahil pinalibutan na ng mga tao,” pahayag ng lalaki.
Aabot umano sa P3 milyon hanggang P4 na milyon ang dalang pera ng lalaki. Ayon sa pulisya, umabot sa P2,083,000 ang na-recover na pera.
Emosyonal na nanawagan ang kolektor sa mga motorista at sa mga tao na isauli ang napulot nilang pera. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News