Ibinahagi ng ilang fans na naging kaibigan ng namayapang si Mercy Sunot, isa sa vocalist ng bandang Aegis, ang naging laban niya sa sakit na cancer habang nagpapagamot sa Amerika.
Nitong nakaraang Nobyembre 18, pumanaw si Mercy, ilang araw matapos ang kaniyang 48th birthday noong Nob. 6.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagbigay ng pagpupugay ang programa sa OPM singer, kung saan sinariwa ang pagsisimula ng kaniyang career at naging laban niya sa cancer.
Mahigit isang linggo bago siya pumanaw at ilang araw matapos ang kaniyang kaarawan, nagawa pa ni Mercy na kumanta sa isang pagtitipon sa California, USA, kung saan inawit niya ang kaniyang hit song na "Luha."
Kaya naman labis na lang ang pagkagulat ng kaniyang mga tagahanga at mga kaibigan sa bigla niyang pagpanaw.
Pagsimula ng Aegis
Nagmula si Mercy sa lalawigan ng Cagayan De Oro City. Ang kaniyang husay sa pagbirit ay impluwensiya umano ng kaniyang nanay na si Emma.
Sa isang episode ng "Tonight with Arnold Clavio" noong 2014, sinabing mahilig ding sumali si Mercy sa mga amateur singing contest.
Taong 1995 nang maging vocalists ng bandang AG's Soundtrippers na nagtanghal sa Japan sina Mercy, at mga kapatid niyang sina Juliet at Ken.
Inihayag nina Mercy at Juliet ang kanilang mga pangamba noong nagsisimula sila sa industriya na baka hindi sila magtagumpay at hindi nila masuportahan ang kanilang mga pamilya.
Pagbalik nila sa Pilipinas noong 1997, inilabas nila ang kanilang unang album na "Halik" na naging quadruple-platinum hit.
Kasama sa kanilang tagumpay ang mga imbitasyon na magtanghal sa ibang bansa, at ginawa ring musical ang kanilang mga awitin para sa "Rak of Aegis."
Paglaban sa kaniyang sakit
Nang hindi na masyadong naging aktibo sa musika, tinutukan ni Mercy ang pag-aalaga sa kaniyang mga anak. Pero nanatili pa rin siyang konektado sa kaniyang fans sa social media, hanggang sa matuklasan niya ang bukol sa kaniyang dibdib.
Ipinaalam ni Mercy sa kaniyang dating fan na naging kaibigan na si Nemia, ang tungkol sa kaniyang problema at kagustuhan na magpagamot sa Amerika.
"Ayaw niyang magpagamot sa Pilipinas. Sabi niya, 'Kung magpapagamot ako, gusto ko dito sa Amerika, Ate,'" saad ni Nemia tungkol sa pag-uusap nila noon ni Mercy.
Tinulungan nina Nemia--ang iba pang kaibigan na sina Irene at Donnie-- na makakuha ng kaniyang visa at health insurance ang OPM singer para maisagawa ang pagpapagamot niya sa America.
Nang isagawa na ang mga health test kay Mercy, doon na nalaman na kumalat na ang cancer sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan.
Ayon kay Nemia, nagsagawa ng radiation kay Mercy para sa kaniyang buto, at hiwalay na daily treatment sa kaniyang baga.
Makaraang ang limang buwan ng gamutan, nakita ang positibong pagbabago sa kalagayan ni Mercy.
Nakapagdiwang siya ng kaniyang ika-48th birthday noong Nov. 6, at tatlong araw makalipas nito, nakadalo siya sa isang pagtitipon at pinaunlakan niya ang hiling ng mga tao na umawit.
"Kaya mahal na mahal siya ng tao. Hindi siya tatanggi," ani Donnie. "Masigla siya, parang wala siyang iniindang sakit."
Noong Nov 12, sumailalim si Mercy sa operasyon at naging maganda naman umano ang resulta.
Pero pagkaraan ng dalawang araw, sinabi ni Nemia na tumawag sa kaniya ang duktor para ipaalam na bumaba ang oxygen level ni Mercy.
Nag-alala umano si Mercy pero pinapakalma siya ni Nemia at sinasabihan na "lumaban ka, OK ka lang."
Sa Tiktok video, ibinahagi ni Mercy sa kaniyang fans ang pagsailalim niya sa lung surgery, at nakararanas siya ng hirap sa paghinga kaya inilagay siya sa ICU. Kasabay nito ang paghingi niya ng dasal para sa kaniyang paggaling.
Ayon kay Nemia, na-intubate si Mercy pero nag-alala umano ito na baka maapektuhan ang kaniyang boses. Sa huli, pumayag din siya na ma-intubate.
Gayunman, sunod na rin na nagkaproblema ang kaniyang kidney kaya isinailalim na rin siya si Mercy sa dialysis.
Ayon kay Irene, nagulat sila nang makita nilang pina-pump at nire-revive na si Mercy dahil tumigil na ang tibok ng kaniyang puso hanggang sa ideklara na ng duktor ang kaniyang pagpanaw.
Ayon sa oncologist na si Dr. Jennifer Ann De Castro-Mercado, nangyayari ang postoperative complications hanggang sa loob ng isang buwan matapos ang operasyon.
"Nahirapan huminga, nagkaroon din ng problem sa kanyang renal or kidneys. Mukhang napunta siya multi-organ failure," saad ni Dr. De Castro-Mercado, sa posibleng nangyari kay Mercy.
Pag-uwi ng mga labi ni Mercy
Sinabi ni Nemia na inaasikaso pa nila ang mga dokumento para maiuwi ng Pilipinas ang mga labi ni Mercy.
"'Yung pagpa-fly ng body niya, wala pa, kasi wala pa kami 'yung death certificate at saka kailangan pang ayusin sa Philippine Consulate," paliwanag niya.
Maaari umanong sa unang linggo pa ng Disyembre maiuwi ang mga labi ni Mercy sa bansa.
"Mercy, maraming maraming salamat sa pagmamahal, sa iyong magandang tinig, at sa iyong magandang musika na maiiwanan mo. Hindi ka makakalimutan ng buong mundo," sabi ni Donnie.
Hindi na muna nagpaunlak ng panayam ang pamilya ni Mercy nang gawin ang naturang episode, ayon sa KMJS. -- FRJ, GMA Integrated News