Nasawi ang isang 75-anyos na tindero ng diyaryo matapos siyang masagasaan ng dalawang van na parehong hindi tumigil sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ni Ej Gomez sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Narciso Fernandez, residente ng Barangay Santo Nino, na kukuha umano ng mga panindang diyaryo nang mangyari ang insidente.
Sa kuha ng CCTV camera noong Huwebes ng madaling araw, makikita ang biktima na malapit na sanang makatawid ng kalsada nang mabangga ng L-300 van, at nasagasaan pa ng kasunod na van.
Parehong hindi tumigil ang dalawang van at iniwan lang ang biktima na kaagad nasawi sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon sa pamilya, kukuha lang noon ng mga diyaryo na ibebenta si Fernandez nang mangyari ang insidente.
Labis ang hinanakit ng mga kaanak dahil maayos ang kalusugan ng biktima sa kabila ng edad nito pero namatay dahil sa aksidente.
Nanawagan sila sa mga driver na sumuko na.
Umaasa din ang mga mahal sa buhay ni Fernandez na mabibigyan ng hustisya ang kaniyang sinapit.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para makuha ang plate number ng mga sasakyan na sangkot sa aksidente at matukoy kung sino ang mga driver nito.-- FRJ, GMA Integrated News