Nakaantig ng damdamin ng netizens ang tagpo ng isang mag-ina sa graduation ceremony ng isang kolehiyo sa Negros Occidental. Ang magtatapos na estudyante, umakyat sa stage na nakayapak dahil ipinasuot niya sa kaniyang ina ang kaniyang sapatos.
Ayon kay Ian Zane T. Esparaga sa Facebook post ng GMA Regional TV News, ginanap ang Investiture of Hoods ceremony na bahagi ng practicum graduation ng education department ng Bago City College na isinagawa sa Manuel Y. Torres Memorial Coliseum and Cultural Center.
Papunta na sa stage ang estudyanteng si Anne Rose B. Quinto, magtatapos sa kursong Bachelor of Secondary Education Mathematics, kasama ang kaniyang ina na si Girlie nang biglang nasira ang sapatos ng ginang.
Sa viral video ng The Courier-BCC, makikita na inalis ni Anne Rose ang kaniyang sapatos at ipinasuot sa kaniyang ina.
Kaya naman nakayapak lang si Anne Rose nang umakyat sa stage at masayang nagpakuha ng larawan kasama ang kaniyang ina.
“During that moment yung gusto ko lang po is ma bitbit at maiakyat sa stage si mama. I want her to experience na hindi ko lang po ito success kundi success po namin itong dalawa, and my whole family,” sabi ni Anne Rose.
Ika-anim sa walong magkakapatid si Anne Rose. Housewife ang kanilang ina, at fish vendor ang kanilang padre de pamilya.
“Siya po yung naging paa ko sa tuwing hirap na po ako maglakad, sa struggles ko po sa school. Kaya kahapon po yung nangyari, through that shoes ako ang naging paa niya patungo sa rurok ng tagumpay,” ayon kay Anne Rose.
“Palangga ta gid ka, mama. Tanan ni para sa imo, para inyo nga pamilya ko,” dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News