Kinagiliwan ng netizens ang isang pusa na agaw-eksena nang umakyat sa balikat ng isang sheikh na taimtim na nagdarasal sa isang mosque sa Bordj Bou Arreridj, Algeria.
Sa isang video ni Sheikh Walid Mehsas, na mapapanood din sa GMA News Feed, makikita na namumuno siya noon sa pagdarasal nang sumampa sa kaniya ang pusa.
Pero sa halip na tumigil, ipinagpatuloy ni Mehsas ang pagdarasal habang hinihimas at inaamo ang pusa.
Tila naaliw naman at umakyat pa sa kaniyang balikat ang pusa, at muntik pang tumama ang buntot nito sa mukha ng sheikh.
Sunod nito, hinalik-halikan ng pusa ang mukha at labi ng sheikh, bago bumaba kalaunan.
Habang nangyayari ito, patuloy ang lahat sa taimtim na pagdarasal na tila walang nangyari.
Ipinost ang video na ito sa official Facebook page ng sheikh.
“Taraweeh” prayer ang tawag sa panalangin na dinarasal sa nakuhanang video, na dinarasal tuwing gabi sa panahon ng Ramadan, na isa sa mga banal na pagdiriwang ng mga Muslim. —Jamil Santos/LBG, Integrated News