Huling-huli sa dashcam ng isang sasakyan ang pagguho ng bahagi ng bundok sa Gingoog City, Misamis Oriental. Sa video, nagmamadaling tumakbo ang mga tao, kabilang ang isang babae na may bitbit na bata.
Sa ulat ni PJ Dela Peña ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing sakay ng pick-up truck ang motoristang si Dante Salang nang mahuli-cam nila ang nakagigimbal na pangyayari sa Gingoog-Claveria Road noong Linggo.
“Life changing moment siya at ang dami kong realization. Andyan talaga ang proteksyon ng Panginoon,” sabi ni Salang.
Madidinig sa video ang boses ng babaeng natakot sa kaniyang nasaksihan sa kanilang harapan habang kinakain ng lupa, mga puno at bato ang kalsada.
"Hala! Kuya atras! Kuya atras! Kuya!," anang babae na nakikita sa kanilang harapan na tila patungo rin sa kanilang kinahintuan ang rumaragasang lupa.
Ilang bahay din ang natabunan.
Paniwala ni Salang, kung wala silang nadaanan na police checkpoint, maaaring nasaktuhan sila sa pagguho ng bundok.
“Bago kami makarating sa landslide area merong PNP [Philippine National Police] checkpoint, kung wala ‘yun at hindi kami tumigil doon kahit ilang seconds o minutes baka nataon yung landslide sa pagdaan namin at matabunan kami,” dagdag niya.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), bunga ang landslide ng paglambot ng lupa sa bahagi ng bundok na pagkuhanan umano ng mga residente ng tubig.
Sabado ng gabi nang mapansin ng mga ito na may lumalabas na tubig sa ibabaw na bahagi ng bundok, sabi ng CDRRMO. Wala rin umanong ulan sa lugar noong araw na maganap ang insidente.
“Sa gitnang bahagi ng na landslide na portion, merong water table at lumalabas ang tubig doon. So lumambot ang lupa sa bahagi na iyon kaya na-erode. Yung mga lupa sa ibabaw natural na guguho din,” paliwanag ni Gingoog City CDRRMO Head Marlon Pajo.
Inilikas ang mga apektadong pamilya sa isang covered court samantalang pansamantalang isinara ang kalsada dahil sa landslide.
Nitong Lunes, natapos na umano ng mga awtoridad ang clearing operations sa lugar. — Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News