Pinilahan ng mga residente ang isang hardware store na namimigay ng libreng plywood, pako, at sealant sa Virac, Catanduanes bago tuluyang lumakas ang Bagyong Pepito.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Biyernes, sinabing tinatiyaga ng mga residente ang mahabang pila.

Tulong ito ng tindahan bilang paghahanda sa pagdating ng Bagyong Pepito sa kanilang bayan.

Ayon sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA nitong Biyernes, tinatayang tatama sa kalupaan ng Catanduanes ang Bagyong Pepito Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw.

Nakataas ang Signal No. 1 sa Catanduanes, at anim pang lugar sa katimugang bahagi ng Luzon. Biglaan ang paglakas ng bagyo nitong Biyernes ng umaga.

Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran ngayong weekend at posibleng dumaan sa kalupaan ng Bicol, Quezon, Gitnang Luzon, at Pangasinan. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News