Laking gulat ng dalawang mangingisda nang makita nila ang bahagi ng katawan ng tao--kasama ang braso na may tattoo-- sa loob ng pating na kanilang nahuli sa Argentina.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing dahil sa pagkakahuli sa pating, nasagot din ang misteryo tungkol sa isang lalaki na 10 araw nang nawawala.
Ayon sa awtoridad, huling nakitang buhay noong Pebrero 18 si Diego Barria, 32-anyos, isang oil industry employee.
Lumilitaw na bahagi ng katawan ni Barria ang nasa loob ng pating dahil sa may tattoo ito na katulad ng tattoo niya sa braso.
Tatlong pating ang nahuli ng dalawang mangingisda sa karagatang malapit sa Comodoro Rivadavia, 1,500 kilometers (930 miles) south ng Buenos Aires.
Bago nawala, nag-quad bike (ATV) umano si Barria para mag-ikot. Nakita pa siyang papauwi na bago maghatinggabi pero hindi na siya nakitang muli.
Pagkaraan ng dalawang araw, nakita ang sirang quad bike ni Barria at helmet malapit sa coastal area.
Ayon kay Regional police chief Cristian Ansaldo, posibleng bumangga sa batuhan si Barria at tinangay ng alon ang katawan niya.
Nang buksan umano ng mga mangingisda ang tiyan ng nahuli nilang pating, ayon sa pulisya, nakita sa loob nito ang piraso ng "skin, fat and human flesh."
Kasama sa nakita sa tiyan ng pating ang braso na may tattoo ng rosas na may pangalang Josefina, na siyang tattoo ni Barria.
Mga "School" sharks ang nahuli ng dalawang mangingisda na umaabot umano ang laki nang hanggang limang talampakan.
Sinabi naman ni Daniela Millatruz, pinuno ng local missing person's division, tumutulong ang navy sa paghahanap ng iba pang bahagi ng katawan ni Barria. —AFP/FRJ, GMA Integrated News