Abot langit ang ngiti ng isang retiradong pulis sa England matapos maibalik sa kanya ang pinaka-iingatan niyang “kayamanan” na ninakaw halos isang taon na ang nakakaraan.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing naiyak ang 82-anyos na si Geoffrey Barron matapos maisauli sa kanya ang exemplary medal na iginawad sa kanya nang mag-retire siya noong 1994 sa serbisyo.
Kuwento ni Geoffrey, pinasok ng mga magnanakaw ang kanilang bahay sa England at kasama sa mga tinangay ang nasabing medalya.
Matapos ang halos isang taon, nakuha ito sa isang ilog ng magnet fisher na si Dave Jordan at kanyang teenager na assistant na si Ryan.
May pangalan at police number ang item at nakapaloob din ito sa isang metal box.
Minabuti nina Dave at Ryan na hanapin online ang may-ari at natunton nila ang kinaroroonan ni Geoffrey.
Nilinis din ni Dave ang medalya at inayos ang ribbon nito bago nila ito ibinalik sa retiradong pulis.
Sa kanilang pagkikita, muling napasakamay ni Geoffrey ang kanyang medalya.
“It feels wonderful to get this back. I never thought I would see it again. It hit me hard at that time, but I am so pleased to get this back,” aniya.
“This medal is very special to this person for being a police in service for 35 years,” saad naman ni Ryan.
Malaki din ang pasasalamat ni Geoffrey kina Dave at Ryan.
Ayon sa kanya, mapapalitan ang iba pang tinangay ng mga magnanakaw gaya ng pera at kanilang mga alahas. Pero ang medalya na patunay ng kanyang deka-dekadang serbisyo-publiko, walang katumbas na halaga.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA News