Arestado ang isang 31-anyos na lalaki matapos tumakas sa Oplan Sita ng pulisya sa Barangay Nagkaisang Nayon sa Novaliches, Quezon City noong Biyernes.

Ayon sa pulisya, pinapahinto ang lalaki dahil walang suot na helmet pero humantong ito sa habulan.

“Noong fina-flagdown siya, nag-slow down naman siya. Pero noong pagtapat, binirit niya ‘yung kanyang motor. ‘Yun ‘yung time nagsakayan ‘yung tropa sa kanya-kanyang motor then hinabol siya. Na-out of balance kaya siya nahuli roon,” ani Police Major Alfredo Agbuya Jr., ang officer-in-charge ng Novaliches Police Station.

Nakuha sa suspek ang isang baril na kargado ng mga bala.

Nang i-verify ang baril, napag-alamang hindi pala ito lisensiyado.

Laman din ng kanyang bag ang 54 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P367,200, at 139 piraso ng pekeng P1,000 bill.

Sa imbestigasyon, napag-alamang ginagamit daw ang mga pekeng pera sa transaksyon ng ilegal na droga.

“Gamit niya ‘yung fake money sa katransaksyon niya sa ibang lugar. ‘Yun ang pinambabayad niya. Pinanloloko niya sa kapwa niya na gano'n din ang lakad. ‘Yung firearms siguro pangsuporta sa kanya just in case na magkagulatan ‘yung transaksyon niya. Then 'yung illegal drugs, dini-distribute niya ‘yan sa nearby cities katulad ng Valenzuela, Malabon, Caloocan, and dito nga sa Quezon City,” dagdag ni Agbuya.

Ikalimang beses nang naaresto ang suspek na dati nang nakasuhan ng pagnanakaw at frustrated murder sa Malabon.

“Sa korte na lang po magsasalita. Lahat ng ano na ‘yan, hindi totoo ‘yon. Lahat. Doon na lang po ako magsasalita sa korte,” depensa ng suspek.

Nasampahan na ang suspek ng mga reklamong possession of false bank notes, resistance and disobedience upon an agent of person in authority, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Motorcycle Helmet Act. —KG, GMA Integrated News