Patay ang ama at sugatan ang ina matapos silang pagtatagain ng sarili nilang anak sa Davao City. Ang suspek, nagalit umano nang sabihan ng kaniyang mga magulang na maghanap ng trabaho.

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV sa GTV State of the Nation nitong Lunes, sinabing natamo ng taga sa batok at balikat ang 71-anyos na ama.

Ginagamot naman ang tinamong sugat ng ginang matapos atakihin din ng kanilang 33-anyos na anak.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagsisibak umano ng kahoy ang ama nang mangyari ang insidente.

"Pinayuhan ng magulang ang anak na maghanap ng trabaho na ikinagalit niya [suspek]," ayon kay Police Captain Hazel Caballero Tuazon, spokesperson Davao City Police Office.

Sinabi naman ng opisyal ng barangay na dati nang may alitan ang suspek sa kaniyang mga magulang na minsan na siyang isinumbong sa barangay dahil sa pananakit.

"Lagi na lang silang nag-aaway ng kaniyang mama at papa dahil nga tamad. Laging gumagala, naghahanap ng kainuman na barkada. Pag-uwi, kakain, kaya nagagalit ang mga magulang kasi uuwi lang kapag kakain na," ayon kay Noel Aragon, chairman ng Barangay Inayangan.

Tumakas ang suspek matapos gawin ang krimen pero nahuli rin siya ng mga awtoridad kinalaunan.

Nahaharap sa mga kasong parricide at frustrated parricide ang suspek na walang pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News