Bukod sa magbibigay ng pag-asa, magmimistulang "tester" din sa ilang manonood kung mababaw o malalim ba ang kanilang luha matapos mapanood ng Metro Manila Film Festival Best Picture na "Green Bones." Ang ilan kasi sa kanila, tila nagkaroon ng transformation bago at matapos masilayan ang pelikula.

Sa Chika Minute report sa GMA News Weekend nitong Linggo, ipinakita ang video ng ilan sa mga nanonood na nakangiti at masaya bago manood ng pelikula.

Pero sa ending, makikita nang umiiyak sila at may napahawak pa sa dibdib dahil marahil sa bigat ng eksena.

Maging ang GMA News showbiz reporter/host na si Nelson Canlas, hindi rin nakaligtas sa pagluha matapos mapanood ang "Green Bones."

"There is something na huhugutin tapos pakakawan niya, and then it will make you cry because of that," saad ni Nelson sa kaniyang naramdaman sa pelikula.

Maging ang mga bida sa pelikula na sina Dennis Trillo at Ruru Madrid, luhaan din matapos ang movie, maging ang iba pang celebrities.

Si Dennis ang itinanghal na Best Actor sa MMFF 2024 Gabi ng Parangal, habang Best Supporting Actor naman si Ruru.

Nakamit naman ni Sienna Stevens ang tropeo bilang Best Child Performer para rin sa kaniyang pagganap sa naturang pelikula.

Patuloy pang napapanood ang "Green Bones" sa mga sinehan kaya may pagkakataon pang malaman kung bakit naiiyak sa ending ang mga manonood, at masusubok kung mababaw o malalim ba ang inyong luha. -- FRJ, GMA Integrated