Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 25-anyos na anak matapos siyang barilin ng sarili niyang ama sa kanilang bahay sa San Nicolas, Ilocos Norte. Ang biktima, umawat umano sa away ng kaniyang mga magulang.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, kinilala ang biktima na si Jovanie Fer Cabat, na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.

Ayon sa pulisya, lasing umano ang suspek na si Fermin Cabat, Jr., 58-anyos, nang mangyari ang insidente noong Biyernes.

Sa imbestigasyon, lumalabas na pinagbabaril ng ama ang kaniyang anak nang umawat ito habang nag-aaway silang mag-asawa.

Naaresto ang suspek pero hindi nakuha sa kaniya ang baril na ginamit sa pagbaril sa kaniyang anak.

Nakakuha naman ang mga awtoridad sa crime scene ng dalawang magazines ng 5.56 at 7.62 caliber na baril, at limang basyo ng bala.

Hinihinalang selos ang pinag-awayan ng ama ang kaniyang asawa.

Nahaharap sa kasong parricide at illegal possession of firearms ang suspek na walang pahayag. --FRJ, GMA Integrated News