Patuloy na naglalayag sa karagatang sakop ng Pilipinas ang dambuhalang barko ng China Coast Guard (CCG) na tinatawag na “monster ship.” Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), namataan ito malapit sa Lubang Island sa Occidental Mindoro nitong Lunes ng umaga.
“Two days ago, na-monitor natin siya sa coastline ng Zambales, sa Capones Island, Zambales. Yesterday, umangat na siya sa northern part ng Zambales. Ngayong umaga, as we speak, it is 80 nautical miles away from Lubang Island, Occidental Mindoro,” ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela sa panayam ng Super Radyo dzBB.
EXPLAINER: Get to know China's 'monster ship'
Ayon kay Tarriela, wala pa silang natatanggap na impormasyon na nanggipit ng mga mangingisdang Pinoy ang Chinese ship sa lugar.
Unang nakita ang monster ship sa layong 54 nautical miles mula sa Capones Island, Zambales noong Sabado. Pasok ito sa 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kaagad na ipinadala ng PCG ang BRP Cabra, isang helicopter, at ang PCG Caravan para alamin ang ginawa ng Chinese ship. Niradyohan din ng PCG ang CCG para ipaalam na nasa loob sila ng Philippine EEZ.
Naniniwalaang PCG, ang paglalayag ng Chinese ship sa lugar ay layong manakot ng mga mangingisdang Pinoy.
Kasabay nito, sinusuri ng Philippine Navy ang underwater drone na nakita ng mga mangingisda sa karagatan ng San Pascual, Masbate.
Hindi batid kung sino ang may-ari at para saan ginamit ang naturang underwater drones. Gayunman, sinabi ng PCG na dati nang gumamit noon ng drone ang China sa loob ng EEZ.— mula sa ulat ni Joviland Rita/ FRJ, GMA Integrated News