Prank ng isang guro, nagpaiyak sa kaniyang mga estudyante sa Sarangani
Sundy Mae Locus
Napaiyak ang halos lahat ng estudyante sa isang high school class sa Maitum, Sarangani dahil sa ginawang prank ng kanilang guro.
Sa video ng GMA News Feed, ibinahagi ng guro na si Jethro Bustamante, ang ginawa niyang biro sa kaniyang mga estudyante na Grade 9 sa Malalag National High School.
Nagkunwari si Bustamente na mayroon siyang mahalagang anunsyo tungkol sa sitwasyon ng kanilang paaralan.
“Malalag National High School has to trim down…magbawas ng teachers. So expected na may subject teachers kayong mawawala. Sadly, kasama ako do'n,” sabi ng guro sa kaniyang mga estudyante na makikita sa video.
Hindi pa man siya tapos magsalita ay bigla nang umiyak ang karamihan sa kaniyang mga estudyante.
“Itong modyul na ito, ito na ‘yung last na pabigay ko sa inyo. Tomorrow lunch time, I will be going…Sayang naman, hindi man lang tayo prepared na ano. Ba't umiiyak na kayo,” dagdag pa niya.
Nang hindi na niya natiis ang mga bata, sinabi na ng guro na: “Kasi umiiyak na kayo, ang isa ko pang announcement ay, ‘It’s a prank!’”
Bagama’t may mga natuwa, hindi rin naiwasang may mga negative comment sa prank ng guro. Paliwanag ni Bustamante, “for fun” lamang ang biro at wala siyang masamang intensyon para dito.
“I have no intentions of hurting the feeling of my students nang pansamantala but it was just for fun. Minsan kasi as a teacher, gusto nating i-test din. Gusto natin malaman kung may impact ba tayo sa mga estudyante o kung may importansya ba tayo sa kanila,” paliwanag niya.
Sa hiwalay na post, sinabi rin ng guro na bukod sa lessons sa loob ng silid-aralan, nais din niyang turuan ng life lessons ang mga estudyante. --FRJ, GMA News