Mala-pang-"KMJS" (Kapuso Mo, Jessica Soho) ang kuwento ng magkapatid na nagkahiwalay noong World War II, at hindi nila inakalang muli pa silang magkikita pagkaraan ng 77 taon.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing tanging sa mga larawan lamang nasisilayan ni Ted Nobbs, 83-anyos na ngayon, ang bunso nilang kapatid na si Geoff, na sanggol pa lang nang ipaampon ng kanilang ama.
Apat silang magkakapatid na nagkahiwa-hiwalay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig matapos pumanaw ang kanilang ina sa sakit na cancer.
Isang-taong-gulang lang umano si Geoff noon kaya pinaampon siya ng kanilang ama, dahilan para hindi na ito makita ng magkakapatid.
"The adoptive parents took him to Australia. I believe Dad has this photograph so that we will all know one another and we could look back and we could look at one another," sabi ni Ted.
Nanirahan naman sa England si Ted at ang dalawa pa niyang kapatid.
Tinangka ng magkakapatid na hanapin ang bunso nilang kapatid pero hindi sila nagtagumpay.
Pero nitong 2014, si Geoff na mismo ang nakahanap sa kanila.
"My next younger brother, Barry, received a letter from Geoff, and that was when he told me. It was wonderful," sabi ni Ted.
Ngayong 2022, nagkita rin sa wakas ang mag-kuyang sina Ted at Geoff sa Australia, at nakilala pa ni Ted ang mga anak at apo ni Geoff.
Kahit hindi nakasama sa reunion ang dalawa pa nilang kapatid, baon naman ni Ted ang mga larawan at masayang kuwento tungkol sa bunsong hinanap nila sa loob ng napakatagal na panahon.
"It is something that I never thought would happen in my life," sabi ni Ted.
"It was an overwhelming experience. To think I've finally met my brother, it's just beyond me," ayon naman kay Geoff.
Kamakailan lang, itinampok sa "KMJS" ang kuwento ng kambal na sina Jericho at Rennier, na makaraan ang 14 na taon mula nang magkahiwalay silang ipaampon ng kanilang mga magulang, ay aksidenteng nagkita.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News