Nakuhanan sa CCTV camera sa Barangay Carig Sur sa Tuguegarao city noong gabi ng Agosto 31 ang paglipad ng mga pera sa isang kalsada. Hulog nga ba iyon ng langit?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nangyari ang hindi pangkaraniwang insidente dakong 10:00 pm.
Makikita sa CCTV camera na ilang tao ang nagkaniya-kaniya ng pulot ng pera na halos P500,000, na napag-alaman na nagmula sa napagbentahan ng isang sasakyan.
Kuwento ni "Yan," hindi niya tunay na pangalan, ibinigay niya sa kaniyang sekretarya na si "Marina," hindi rin tunay na pangalan, ang nasabing pera dahil hapon na at hindi na nila mailalagay sa bangko.
Pagsapit ng gabi, nagkaayaan naman si Marina at ang kaniya nobyo ng kaunting "shot" o inom, na nauwi sa lovers quarrel.
Ang nobyo, umalis para daw magpahangin. Pero nang hindi na bumalik, sumunod si Marina sakay ng kaniyang kotse.
Hanggang sa nang makauwi na ng bahay si Marina, hindi na niya namalayan kung saan niya nailagay ang ipinatabi sa kaniyang pera ng kasamahan.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang pagdaan ng kotse ni Marina at nasundan ng paglipad ng pera sa lansangan.
Ano nga ba ang nangyari at lumipad ang pera nang hindi namamalayan ni Marina? Maibalik pa kaya sa kanila ang pera gayung may mga taong nakapulot na? Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento.--FRJ, GMA News