Isang kondisyon ang pare-parehong naranasan ng tatlong babaeng magkakapatid, kung saan lumobo ang kanilang mga tiyan. Sa kasawiang palad, pumanaw ang isa sa kanila.

Ano nga ba ang sakit na dumapo sa kanila?

Sa Dapat Alam Mo!, na iniulat din ng GMA Public Affairs Exclusives, sinabing naranasan ng magkapatid na sina Christina at Maribel Dorado ang paglaki ng kanilang ang mga tiyan, maging ang kanilang ate na si Mary Anne.

Unang nakaranas ng paglaki ng tiyan si Christina, at umabot sa puntong naging kasing bigat na ito ng pakwan.

Lumiit lamang ang tiyan ni Christina matapos uminom ng herbal medicine, pero mas malala ang dinanas ni Mary Anne.

"'Yung ate ko naman po, namanas ang kaniyang paa, 'yun naman pong tiyan niya ang lumaki. Paglaki po ng tiyan niya, sumasabay po 'yung pusod niya, lumalaki rin po," sabi ni Christina.

Hanggang sa nitong Agosto nang pumanaw si Mary Anne dahil sa sakit.

May kaparehas na sintomas na nararanasan ang pangatlo nilang kapatid na si Maribel. Gayunman, kumpirmadong buntis si Maribel kaya binabantayan ang kaniyang sitwasyon.

Sinabi ni Christina na na-confine siya sa ospital ng tatlong linggo at sinabi ng doktor na mayroon siyang massive ascites o pagkakaroon ng tubig sa tiyan.

Namamaga rin daw ang atay ni Christina.

“Sabi po ng doktor, hindi raw po sapat ‘yun para lumaki po ng ganoon ‘yung tiyan ko,” saad ni Christina.

"Sabi po ng manggagamot ay parang ginagaway nga po ng tao ang aking anak kaya lumalaki ang tiyan," dagdag ni Ana Dorado, ina ng magkakapatid.

Nakasaad sa death certificate ni Mary Anne na massive ascites ang kaniyang ikinamatay, isang kondisyon kung saan may hindi matukoy na labis na likido sa tiyan ng tao.

"Massive kapag sobrang dami ng fluid to the point na nari-restrict 'yung breathing at movement ng pasyente," sabi ng internist-gastroenterologist na si Dr. Michelle Simbol-Cloa.

"Kadalasan ang ascites ay may mga pinanggagalingan. Kung may problema sa puso, 'yung heart failure patients, kung may problema sa atay, mga liver cirrhosis patients, kung mayroong sakit sa kidney," dagdag ng doktora.

Muling nagpatingin si Christina sa doktor, at kinakailangan pa niya ng karagdagang laboratory tests mula sa isang espesyalista. —VBL, GMA News