Nangangamba ngayon ang mga residente sa isang barangay sa Guiguinto, Bulacan-- lalo na ang mga nakatira sa lugar na binabaha-- dahil sa nakumpirmang buwaya sa kanilang ilog na tinatayang aabot sa anim na talampakan ang laki.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing naging usap-usapan sa Barangay Malis ang umano'y buwaya na nakikita sa ilog.
Ngunit dahil wala pang lumalabas na larawan o video ng naturang buwaya, naging tila maling impormasyon at kuwento-kuwento lang.
Kadalasan kasing nakikita ang mga buwaya sa mga dagat o ilog sa malalayong lalawigan tulad sa Palawan o Sulu. At imposibleng magkaroon nito sa mga ilog na malapit lang sa siyudad.
Ang residente na si Arman, nakita na raw ang buwaya sa ilog na mahaba umano ang nguso at malaki ang mata. Hinihinala niya na ang naturang buwaya ang kumain sa alaga niyang manok.
Iyon nga lang, wala rin naipakitang katibayan tulad ng larawan o video si Mang Arma.
Ang residente rin si aling Mildred, nakita rin daw ang ulo ng buwaya sa ilog ngunit hindi rin niya ito nakunan ng larawan.
Pero ang akalang kuwento-kuwento lang, napatunayan na totoo nang makunan ni John ng larawan ang buwaya noong nakaraang Lunes habang naglalakad siya sa gilid ng ilog.
Kuwento ni John, nakita niyang may biglang gumalaw mula sa ilog at nasundan ng paglipad ng ibon. Nang tingnan niya ang pinagmulan ng ingay, nakita niya ang ulo ng buwaya na nakalutang sa tubig at nakalubog ang katawan.
Kaagad niya rin itong kinunan ng larawan.
Nangangamba ang mga residente na baka ang mga tao na ang kainin ng buwaya kapag wala na itong hayop na makakain.
Dagdag na kaba sa kanila ang pagtaas ng tubig sa ilog at kung minsan ay pumapasok daw sa bahay ang baha.
Ang batang si Angelo, kamuntik na raw masakmal ng buwaya nang may kumagat sa hawak niyang styrofoam habang nasa tubig siya.
Ayon sa isang eksperto na nakakita sa larawan ng buwaya, isa itong saltwater crocodile at tinatayang nasa lima hanggang anim na talampakan ang haba.
Dahil sa panganib, humingi ng ng tulong ang mga residente sa mga awtoridad para mahuli ang buwaya.
Kaagad namang umaksyon ang Municipal Disaster Risk Reduction Management at Department of Environment Natural Resources para maglunsad ng search and recovery operation.
Mahuli kaya nila ang buwaya at saan kaya ito nanggaling? Panoorin ang video na ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA News