Para sa isang lalaking gas station attendant sa Ibajay, Aklan, hindi bale nang magmahal ang presyo ng gasolina huwag lang ang soft drinks na ginawa na niyang pamalit sa tubig sa nakalipas na 20 taon.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Mang Virgilio dela Cruz, na nakakaubos siya ng 10 botelya ng soft drinks sa loob ng isang araw.
Sa umaga pa lang bago pumasok sa trabaho, tumitira na ng soft drinks si Virgilio kahit hindi pa nakakapag-almusal.
Nagsimula raw ang pagkahilig niya nang husto sa soft drinks nang maging 40-anyos siya, 20 taon na ang nakararaan.
Ang sinasahod niyang P400 sa pagiging gas attendant, kalahati umano ang napupunta sa soft drinks na itinuturing niyang "pang-maintenance" ng kaniyang katawan.
Kung tutuusin, puwede na raw magretiro si Mang Virgilio pero iniisip niya kung papaano niya matutususan ang kaniyang pagkahilig sa soft drinks kung wala na siyang trabaho.
Kuwento ni Mang Virgilio, namamaos daw siya at inuubo kapag uminom siya ng tubig. Pero kapag soft drinks, wala raw siyang napapansin na masama sa katawan.
Kung wala siyang mabiling soft drinks, nilalagyan niya ng asukal ang tubig na kaniyang iniinom.
Ang anak ni Virgilio na si Lyn, natatakot sa kakaibang hilig ng ama dahil sa posibleng masamang epekto nito sa kalusugan.
"Minsan nagsasabi siya na masakit yung talampakan niya. Sabi ko baka acid na. Kaso lang po kapag sinasabihan si Papa, parang mamamatay raw siyang kapag wala yung soft drinks. Ayaw talaga niyang magpatigil," ani Lyn.
Ayon kay Mang Virgilio, batid niya ang mga sabi-sabi tungkol sa masamang epekto sa katawan ng labis na pag-inom ng soft drinks tulad ng diabetes at urinary tract infection o UTI.
Pero nang huli raw siyang magpasuri, normal naman daw ang kaniyang blood sugar. Gayunman, napag-alam na 15 taon na ang nakararaan nang huli siyang sumalang sa blood test.
Kaya para malaman ang kalagayan ng kaniyang kalusugan matapos niyang gawing tubig ang soft drinks, sinamahan siya ng "KMJS" team para sumailalim sa masusing lab test. Alamin sa video ang natuklasan ng mga duktor. Panoorin. --FRJ, GMA News