Puwedeng mapaaga ang paglaya ng ilang bilanggo sa Bolivia kung matututo silang magbasa ng libro habang nakakulong.

Sa ulat ng Reuters, sinabing ipinatupad ng pamahalaan ang programang "Books behind bars" para mahikayat ang mga bilanggo na matutong magbasa at mabigyan sila ng pag-asa sa kabila umano ng mabagal na proseso ng hustisya doon.

Sa pamamagitan ng programa, maaaring mapaaga ng ilang araw o linggo ang paglaya ng bilanggo. Walang life sentence o death penalty sa Bolivia pero tumatagal sa kulungan ang mga akusado dahil sa matagal na pre-trial bunga ng mabagal na usad ng judicial system.

Ayon sa Andean country's Ombudsman's Office, ipinatutupad na ang programa sa 47 bilangguan na walang sapat na pondo para sa edukasyon, reintegration o social assistance programs para sa mga bilanggo.

Sa ngayon, mayroong 865 na bilanggo ang bahagi ng programa upang pagbutihin ang kanilang reading at writing skills. Isa sa kanila si Jaqueline, na walong libro na ang nabasa sa loob ng isang taon at pumasa na sa apat na reading test.

"It is really hard for people like us who have no income and who do not have family outside," saad niya. "There are people here, for example, who are just learning how to read and write."

Ayon kay Nadia Cruz ng Ombudsman's office, nais din ng programa na palakasin ang loob ng mga bilanggo na naghihintay ng kanilang paglilitis.

"That is important because what is reduced (on the sentences) is relatively little, it is hours or days in some cases, depending on what the board decides," paliwanag niya.

Problema rin umano sa Bolivia ang overcrowded at hindi maayos na kondisyon ng mga bilangguan kaya nagpoprotesta ang mga bilanggo, ayon sa Human Rights Watch.

Nakatutulong din umano sa bilanggo ang pagbabasa para makalimutan ang kanilang kalagayan sa loob ng rehas na bakal.

"When I read, I am in contact with the whole universe. The walls and bars disappear," sabi ni Mildred, nakapiit sa Obrajes women's prison sa La Paz. -- Reuters/FRJ, GMA News