Bundok na kilala sa kabanalan ang Mt. Banahaw. Pero ang katapat nitong bundok na Mt. Cristobal, kabaligtaran daw ang imahe at kinatatakutan dahil diumano sa mga nangyayaring kababalaghan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing dahil sa mga kababalaghan at nakatatakot at kakaibang nilalang na namamahay sa Mt. Cristobal, binansagan ito ng ilang hikers bilang "Devil's Mountain."
Isa raw sa personal na nakakita sa kakaibang nilalang sa Mt. Cristobal ang dating tour guide na si Teng Suarez.
Sadya naman daw talaga na napakaganda sa bundok ng Cristobal. Pero mayroon din daw talaga siyang nakita rito na kakaibang nilalang na anyong tao, maitim, mabalahibo, mapula ang mata at may sungay.
May mga kakatwa rin umanong nangyayari sa mga nagpapakuha ng larawan sa Mt. Cristobal na kung minsan ay malabo, at minsan naman ay may nilalang na sumasama umano sa larawan.
"May huli akong ginayd [guide] before, apat sila naging lima. May nakatayo sa gitna, yung mata niya, pulang-pula," ayon kay Teng.
At habang kinakapanayam si Teng, bigla siyang napatigil at tila ayaw tumingin dahil mayroon umanong kakaibang nilalang na nagpakita at kasama nila sa lugar.
Ang gamit na camera ng team, bigla ring nagloko.
Pero hindi lang si Teng ang nagkuwento ng kakaibang karanasan niya sa Mt. Cristobal. Dahil ang mountaineer na si Nico David, nakuhanan pa raw ng video ang mga mata ng pinaniniwalaan nilang misteryosong nilala sa naturang bundok.
Ano nga ba ang nakakatakot na karanasan ng grupo ni Nico sa itaas ng Mt. Cristobal, na sa takot nila ay nais na nilang lumiwanag na agad? Kakaibang nilalang nga kaya ang kanilang na-videohan? Panoorin ang kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News