Nabalot ng kalungkutan ang rescue mission sa mga taong na-trap sa nakalambiting cable car sa India nang mahulog ang isa sa mga ito habang malapit na sanang makapasok sa helicopter.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing nagkaaberya muna ang isang cable car na bumibiyahe sa tuktok ng sagradong buntok ng Trikut sa Deoghar, India.
Nasalpok ng naturang cable car ang isa pang cable car. Pareho namang nanatiling nakasabit sa kable ang mga cable car pero hindi na sila makausad.
Bukod doon, may mga nasugatan sa insidente at isa na ang nasawi. Nasa 50 katao ang sakay ng mga cable car.
Kaya kinailangan na silang sagipin at kunin sa cable car sa pamamagitan ng helicopter ng kanilang air force.
Isa-isang nilalagyan ng harness ang mga pasahero ng cable car at hihilahin ng kableng nakakonekta pataas sa helicopter.
Maayos na nasagip sa unang araw ng makapigil-hiningang rescue mission ang 43 na sakay ng cable cars. Naiwan naman ang 15 sakay nito para sagipin kinabukasan.
Pero sa ikalawang araw ng rescue mission, sinasabing naging mahangin umano ang panahon.
Ang isang lalaking sinasagip, makikita sa video na tila hirap na makapasok sa helicopter hanggang sa mahulog na siya mula sa pagkaka-harness.
Iginiit ng mga awtoridad na maayos naman umano ang pagkaka-harness sa mga biktima. Pero sadya raw malakas ang hangin nang sandaling ito.
Iniimbestigahan na ang naturang mga insidente. --FRJ, GMA News