Kinumpirma ng kapatid ng may-ari ng tricycle na nahuli-cam sa Virac, Catanduanes na tumawid sa highway at maayos na nagparada sa kabilang bahagi ng kalsada wala talagang nakasakay dito nang mangyari ang insidente at nagdulot ng sari-saring espekulasyon.

Dahil sa naturang insidente na nahuli-cam sa CCTV camera ng Barangay San Vicente, may mga taong naghinala na baka may nakatago lang sa loob ng tricycle.

May mga nag-isip din ng baka may kababalaghang nangyari o sadyang hinangin lang talaga ang tricycle.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakausap mismo si Salvacion Francisco, ang babaeng nakita rin sa CCTV footage at nakasaksi sa pagtawid ng tricycle na mag-isa.

Kuwento niya, wala talaga siyang tao na nakita sa tricycle at sinabihan pa niya ang may-ari nito na tumawid sa highway na mag-isa ang sasakyan.

Nagpunta pa siya sa barangay hall para silipin ang CCTV footage upang masiguro na hindi siya namamalik-mata lamang sa kaniyang nakita.

Inihayag din muli ng barangay kagawad na si Nilo Avila, na sinuri din niya ang tricycle at wala rin talaga siyang nakitang tao.

May ilang residente sa lugar na naniniwalang may kakaibang nilalang na nagpaparamdam sa naturang kalsada.

Si Cardo na kapatid ng may-ari ng tricycle, tiniyak na walang tao na nakatago sa sasakyan nang mangyari ang kakaibang insidente.

Dumating daw noon ang kaniyang kapatid at ipinarada nito sa tapat ng kanilang bahay ang tricycle nang bigla itong umandar.

Aniya, dalawang taon pa lang sa kanila ang tricycle na nabili nila ng second hand pero maayos pa naman daw ang makina.

Ang lugar kung saan nangyari ang insidente, napag-alaman na nasa tapat mismo ng simbahan na ang patron ay si San Vicente Ferrer.

Kaya labis ang pasasalamat nila na walang napahamak sa naturang pangyayari.

Si Salvacion, sinabing baka nagkaroon ng milagro at pinaglaruan ang naturang sasakyan.

Pero bakit nga ba umandar na mag-isa ang tricycle at papaanong tila umiwas pa ito sa ibang sasakyan at saka maayos na pumarada sa kabilang bahagi ng daan? Alamin sa video ng "KMJS" ang naging obserbasyon ng mga eksperto.

Pero habang nagsagawa sila ng pagsisiyasat, ang misteryosong tricycle, muli na namang umandar na mag-isa. Panoorin ang video. —FRJ/GMA News