Naging usap-usapan sa isang barangay sa Hinatuan, Surigao del Sur ang isang sanggol na kakaiba umano ang hitsura nang isilang at may kasama pa raw na isda.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na nakatayo ang bahay ng mag-asawang Alexander at Jinky, sa ibabaw ng dagat sa bahagi ng Barangay Portlamon.
Ang naturang bahagi ng dagat, konektado naman at hindi nalalayo sa Barobo river, kung saan sinasabi sa mga kuwento na may nagbabantay umanong syokoy.
Ayon kay Jinky, noong ipinagbubuntis niya ang kaniyang anak, dinadalaw umano siya sa panaginip ng syokoy.
Si Alexander naman, ipinagtaka kung bakit bigla siyang sinuwerte sa paghuli sa mga isda.
Nang iluwal ni Jinky ang kaniyang anak, nakaluwa ang malaking mata nito, tila may kaliskis daw ang balat sa mukha, maga ang labi at maigsi ang leeg.
Dito na inisip na ang sanggol, na binawian ng buhay kinalaunan, ay posibleng anak ng syokoy.
Lalo pang lumakas ang hinala na anak ng syokoy ang sanggol nang may makita umano si Alexander na isda mula sa tabi ng bata.
Ang hitsura raw ng isda na namatay din kinalaunan, tila kamukha raw ng sanggol.
Dahil inisip nilang kambal ang sanggol at ang isda, magkasama nilang inilagay sa kabaong at inilibing ang dalawa.
Gayunman, may ibang paliwanag ang mga eksperto tungkol sa naging kondisyon at hitsura ng sanggol.
May paliwanag din ang eksperto tungkol sa isdang nakita sa loob ng bahay ng mag-asawa. Kung ano iyon, panoorin sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News