Hindi kinakaya ng mga iguana ang matinding lamig ng panahon sa kanilang lugar sa Florida, USA kaya naninigas ang mga ito at nahuhulog mula sa mga puno.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang ilang iguana na nakabulagta sa ibaba ng mga puno at mistulang walang malay dahil nararanasang cold snap o biglaang paglamig ng panahon.
Pero paalala ng mga awtoridad, hindi pa patay ang mga iguana.
Sa inilabas na abiso ng National Weather Service, sinabing bumabagal lang ang katawan ng naturang mga hayop at hindi makakilos kapag bumaba sa 40°F o 4° ang temperatura sa kanilang lugar.
Ayon kay Stacey Cohen, isang reptile expert, dahil sa sobrang lamig ay nagsa-shut down ang katawan ng mga iguana kaya hindi nila nagagawang kumapit kaya nahuhulog ang mga ito mula sa puno.
Dahil galing daw ang mga iguana sa Central at South America na mas mainit ang temperatura, hindi raw sanay sa biglaang paglamig ng panahon ang mga naturang hayop.
Sa ngayon, dapat daw na bantayan ang kondisyon ng mga iguana dahil posibleng bumababa pa ang temperatura.
Kung mangyayari ito, posibleng hindi na kayanin ng katawan nila ang sobrang lamig at ikamatay ng mga iguana tulad ng nangyaring cold snap noong 2010 kung saan malaking populasyon nila ang namatay.
--FRJ, GMA News