Nagkatulakan at gitgitan ang mga mambabatas sa sesyon ng Kongreso sa Honduras nang hindi masunod ang kasunduan sa kung sino ang dapat na magiging lider ng mga kongresista.
Sa video ng GMA News Feed, makikita na isang kongresista ang sumampa sa poduim para pigilan ang panunumpa ni si Congressman Jorge Calix bilang Congress President, makaraang manalo sa kanilang botohan.
Pero bago pa man ang botohan, mayroon na palang kasunduan ang mga mambabatas sa partidong Honduras Saviour Party at sa bagong halal na pangulo ng Honduras na si Xiomara Castro, na si Congressman Luis Redondo, ang uupong Congress President.
At sa araw na ginanap ang botohan, 20 kongresista ng naturang partido ang hindi sumunod sa kasunduan at ibinoto si Calix, at nanalo.
Ito na ang pinag-ugatan ng kaguluhan hanggang sa mapaalis sa session hall si Calix at ang mga 20 kongresista na tinawag ni Castro na mga traydor at kurap.
Sinabi rin ni Castro na inalis na sa partido ang naturang 20 mambabatas.
Ayon sa lider ng partido, ang mga naturang mambabatas ay nakipagkasundo umano sa mga grupo na nagiging balakid sa anti-corruption campaign ni Castro.
Hanggang sa labas ng session hall, sinalubong ng mga galit na nagpoprotesta ang mga naturang mambabatas.
Samantala, kinalaunan ay natuloy naman ang pagluklok kay Rodondo bilang Congress President.
--FRJ, GMA News