Kinabibiliban ang isang batang babae dahil kaya na niyang magbasa ng mga salitang nakasulat sa Ingles at Filipino kahit isang-taong-gulang pa lang siya.
Sa video ng On Record, sinabing kaya rin ng batang si Jiara, na pangalanan ang mga presidente ng Pilipinas, at katahin ang mga nursery rhyme.
Bukod pa diyan, kaya rin niyang basahin ang pangalan ng iba't ibang bansa, at alam din niya ang Periodic Table of Elements.
Sinasabing ang pangkaraniwang bata ay nasa preschool o edad apat hanggang lima bago matutong magbasa.
"Alphabet lang muna. Hanggang sa napansin ko na nung nag-one-year-old siya, mga 14 months po siya noon na nakakabasa siya ng mga words," ayon sa ina ni Jiara na si Genieva Esclanda.
"Noong una akala ko dahil lang sa mga pictures. Tinray [try] kong takpan yung mga picture, nababasa pa rin niya. Then nag-try din akong magsulat nababasa pa rin naman niya," kuwento pa ng ina.
Tip ni Genieva para mas madaling matuto ang mga bata, gawin na parang naglalaro lang kapag nagtuturo para mas maengganyo ang mga baby na makinig at matuto.
"Tapos huwag po nilang ipi-pressure kung sakaling ayaw [ng bata]," ayon kay Genieva.
Payo rin ng isang developmental and behavioral pediatrician, mag-back to basics, panatilihing healthy ang mga bata upang masiguro ang tamang development ng mga ito.
Madalas din na kausapin ang mga anak, makipaglaro sa kanila, iwasan ang masyadong paggamit ng gadget, at i-appreciate ang mga kaya nilang gawin.
--FRJ, GMA News