Nahuli-cam ang panghoholdap ng dalawang lalaki sa isang gasolinahan sa Manaoag, Pangasinan. Nang maaresto ng mga pulis, nakuha sa kanila ang isang pellet gun.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ng gasolinahan ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at nagpakarga ng gasolina.
Pero maya-maya pa, naglabas na ng baril ang isa sa mga suspek at kinuha ang pera sa kahera at tinangay ang mahigit P11,000.
Kaagad naman na naglatag ng checkpoint ang mga pulis para hindi makalabas ng bayan ang mga suspek.
Sinuri din ng mga awtoridad ang mga hotel na puwedeng pagtaguan ng mga ito. At kinalaunan ay mga videoke bars naman at doon na nakita ang mga suspek na sina Mark Christian Velasco at Mc Nazer Brutas, na pareho ring taga-Manaoag.
Ayon sa pulisya, nasa P6,000 na lang ang perang nabawi sa mga suspek dahil pinagbayad na umano ng dalawa sa alak na kanilang inorder.
Nakuha rin sa kanila ang pellet gun na sinasabing ginamit ng dalawa sa panghoholdap.
Tumanggi na silang magbigay ng pahayag. --FRJ, GMA News