Sa loob ng ilang minutong agwat, isinilang sa magkaibang taon ang isang kambal sa Salinas, California-- ang isa ay lumabas ng 2021 habang sa 2022 naman ang isa pa.
Isinilang si Alfredo Antonio Trujillo ng 11:45 pm noong bisperas ng bagong taon. Ang kaniyang kakambal na si Aylin Yolanda, inabutan ang paglabas sa pagtungtong ng mismong araw ng bagong taon.
Sa inilabas na pahayag ng Natividad Medical Center, kung saan isinilang ang kambal, sinabi nito na may mga nagsasabi na "one-in-two-million chance of twins being born in different years."
"It's crazy to me that they are twins and have different birthdays," sabi ni Fatima Madrigal, sa inilabas na pahayag ng ospital.
Itinuturing ni Dr. Ana Abril Arias, "one of the most memorable deliveries of my career" ang pagpapaanak niya kay Madrigal para sa kambal.
"It was an absolute pleasure to help these little ones arrive here safely in 2021 and 2022," saad ng duktora.
May bigat na six pounds and one ounce (2.75 kilograms) si Alfredo, habang si Aylin naman ay five pounds and 14 ounces.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, mayroong 120,000 na kambal ang isinisilang sa Amerika bawat taon o katumbas ng tatlong porsiyento ng kabuuang sanggol na ipinapanganak sa kanilang bansa. -- Agence France-Presse/FRJ, GMA News