Itinanggi ng mga tagasuporta nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte na nagtitipon-tipon sa EDSA Shrine sa Quezon City, ang pahayag ng pulisya na may impormasyon na P500 ang bayad sa taong nagpupunta roon.
Ilang tagasuporta pa rin ng mga Duterte ang nasa shrine na ang iba ay doon na natulog upang magpahayag ng kanilang saloobin tungkol sa umano'y hindi na magandang pamamalakad ngayon ng pamahalaang Marcos.
"Itong Edsa Shrine ang lugar kung saan maglalabas ang taumbayan kapag ang namumuno sa isang bansa ay palpak. Dito nagaganap," saad ni Saira Ampuan sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Nangyari sa naturang lugar ang EDSA People Power 1 noong 1986 kung saan nagtipon-tipon ang mga tao para tutulan ang pamumuno ng noo'y si Pangulong Marcos Sr.
Naganap naman ang EDSA People Power 2 noong 2001 kontra sa noo'y liderato ni Joseph Estrada.
Parehong napatalsik sa puwesto sina Marcos Sr. at Estrada.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkoles, naglabas ng video ang pulisya na nagpapakita ng umano'y pagbabayad sa ilang tao na nasa shrine na mga sumusuporta sa mag-amang Duterte.
"There are some videos na lumalabas po, if I may share again, na 'yung iba po doon allegedly were transported from their barangays papunta po doon sa lugar," sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa press briefing.
"Pinangakuan daw po na babayaran po sila at papakainin po. In fact, 'yung iba po sa kanila ay nagrereklamo dahil allegedly ang pangako sa kanila ay bibigyan sila ng P500 for three days pero ang binigbay lang ay P200 po," dagdag niya.
Pero sa ulat ng GMA News 24 Oras, pinalagan ng ilang nasa EDSA shrine ang alegasyon ng bayaran.
"Bayaran ba tayo?!," sigaw na tanong ng isang babae sa kaniyang mga kasamahan.
"Hindi!," sagot naman ng iba.
"Hindi kami bayad! Hindi kami bayad!," sabay-sabay nilang sigaw.
Ayon sa ulat, inaasahan na mananatili ang mga tao sa shrine hanggang sa Huwebes. --FRJ, GMA Integrated News