Napatunayan ni Eula Paradero na very alive and kicking ang kita sa naisipan niyang negosyo na crispy chicken feet. Wala raw tapon sa kaniyang produkto dahil pati ang mismong buto, puwedeng kainin.
Sa isang episode ng programang "Pera Paraan," sinabi ni Eula na bata pa lang siya nang makatikim siya ng adobong chicken feet na niluto ng kaniyang ina.
BASAHIN: Chinese style chicken feet na inilalako sa kalsada, sumisipa sa ganda ang kita
Bukod sa adobo, sikat din na luto sa paa ng manok ang Chinese chicken feet na may sarsa, at ang pang-masa na "inihaw na adidas."
Ayon kay Eula, sinubukan niya ang iba't ibang paraan kung papaano mapalalambot ang paa ng manok para puwede ring kainin ang buto kapag iprinito.
Naisipan niya itong itinda para magkaroon ng dagdag na income. Hindi naman nagkamali si Eula sa sinisimulan niyang negosyo dahil ang una niyang puhunan na P500, naging P900 nang maubos ang kaniyang tinda o tubo na P400.
Ang isang piraso ng crispy chicken feet, puwede umanong ibenta ng P10 ang bawat isa.
Ayon kay Elsie Gatpayat, FCSO, food safety, maraming makukuhang nutrient sa paa ng manok.
Makakukuha umano rito ng collagen, na maganda ang epekto sa skin. joints at bones.
Ang beauty pageant contestant na si Mary Joy Suarez, sinabing isa sa kaniyang beauty secrets ang pagkain ng paa ng manok dahil sa mayaman ito sa collagen.
Pero paano naman kaya ginagawa ni Eula ang kaniyang crispy chicken feet? Panoorin 'yan sa video na ito.-- FRJ, GMA Integrated News