Naging ugat ngayon ng debate ang isang puno ng mangga na nasa kalsada sa Barangay Oraan East, Manaoag sa Pangasinan kung dapat ba itong putulin o hindi.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nais ng mga motorista na matanggal ang puno dahil peligroso ito sa mga sasakyan lalo na kung gabi.

"Dapat maalis ‘yan para mas maluwag ang dadaanan," sabi ni Wilson Quinto.

"Baka may magkamali na dadaan, hindi makita ‘yan. Nakakadisgrasya," pahayag naman ni Ofring Aquino.

Disgrasya rin ang dahilan ng motoristang si Roberto Tabot kaya pabor siyang alisin ang puno na namumunga na.

Pero kung ang punong barangay na si Edwin Lacaste ang tatanungin, hindi dapat putulin ang puno dahil hindi naman daw talaga bahagi ng kalsada kung saan ito nakatayo.

Paliwanag niya, nang humiling sila ng slope protection sa naturang bahagi ng daan, nagkaroon ng sobrang pondo kaya nilaparan na rin nila ang sinemento para maging patuyuan ng mga nais magbilad ng palay.

"’Yung puno ng mangga, ‘wag niyo nang putulin ‘yan. Kung may magbibilad ng palay, may masisilungan sila," paliwanag ni Lacaste.

Hindi rin naman daw sagabal sa daan ang puno dahil malapad ang aktuwal na kalsada.

"Maluwag naman ang kalsada, hindi na natin puputulin, sayang," giit niya.

Gayunman, wala raw siyang magagawa kung sakaling magpasya ang barangay council na alisin ang puno para sa kaligtasan ng mga motorista, kailangan nilang makipag-ugnayan sa Department of Environmental and Natural Resources (DENR) upamg makakuha ng tree-cutting permit.-- FRJ, GMA Integrated News