Nasawi ang isang ginang matapos siyang pagbabarilin at ang kaniyang mister habang sakay ng tricycle sa Manaoag, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang 57-anyos na ginang na si Virginia Abarcar.

Sugatan din sa pamamaril ang kaniyang 65-anyos na mister.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mag-asawa sa tricycle at pauwi na sa Oraan East, Manaoag, nang mangyari ang pamamaril dakong 8 a.m. nitong Martes.

Nakatakas naman ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.

"Marami ng tao nung dumating ako dun. Wala, wala ng buhay talaga ['yung babae]," sabi ni Barangay Chairman Edwin Lacaste.

"Parang wala akong alam na kasalanan o kaalitan, eh, kaya blanko kami; pati kami, nabigla," dagdag niya.

Anim na basyo na bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Away sa lupa ang lumalabas na motibo sa krimen, ayon sa pulisya.

"Land dispute ang lumalabas. Ngayon, right after the incident, nag-conduct ng hot pursuit operation ang mga kapulisan diyan sa Manaoag, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek," sabi ni Police Colonel Rollyfer Capoquian, Pangasinan Police Provincial Office Director.

Isang suspek pa umano ang hinahanap ng awtoridad.

Ayon kay Capoquian, itinatanggi ng naarestong suspek na sangkot siya sa krimen pero may testigo umano laban dito.

"Normal na sasabihin niya na ganun talaga. Idi-deny nila ‘yung ginawa nilang krimen. But then, matibay ‘yung ebidensiya natin dahil may testigo [o] eye witness doon sa pinangyarihan ng krimen," pahayag ni Capoquian.

Tumanggi ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News