Nanawagan si Basilan Representative Mujiv Hataman sa Department of Budget and Management (DBM) na tiyakin na magkakaroon ng pondo ang pamahalaang panlalawigan ng Sulu, makaraang maglabas ng pinal na desisyon ang Supreme Court (SC) na hindi kasama ang lalawigan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nitong Martes, ibinasura ng mga mahistrado ng SC ang mosyon na baligtarin ang naunang desisyon na alisin ang Sulu sa BARMM dahil na rin sa naging resulta ng naunang plebisito na tutol ang mas maraming botante na mapasakop sa rehiyon.

“The Supreme Court denied the motions for partial reconsideration filed by the government of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), the Office of the Solicitor General, and others,” saad ng SC sa anunsyo.

“These motions sought to reverse the Court’s Decision on September 9, 2024, which excluded the Province of Sulu from the BARMM,” dagdag sa desisyon na “final and immediately executory,” at “no further pleadings will be entertained.”

Ayon kay Hataman, maliban sa kaniyang posisyon na dapat matuloy ang kauna-unahang BARMM parliamentary elections sa Mayo 25, 2025, pangunahing pinagtutuunan niya ngayon ng pansin ang katiyakan na mayroong pondo ang Sulu sa 2025 upang hindi hindi maapektuhan ang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan sa kanilang mga mamamayan.

Dahil sa desisyon ng SC na hindi dapat isama ang Sulu sa BARMM, mawawalan na ng obligasyon ang autonomous region na pondohan ang lalawigan.

Ayon kay Hataman, inaprubahan nitong Miyerkoles ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang batas na iurong sa May 2026 ang BARMM parliamentary elections.

Sa naturang pagdinig ng komite, hiniling ni Hataman sa DBM na hanapan ng pondo ang operasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Sulu dahil hindi na ito magiging obligasyon ng BARMM, at walang nakalaang pondo sa lalawigan sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.

"Isa sa mga inihain kong solusyon sa hearing ay ang paglalagay ng special provision sa panukalang resetting ng BARMM elections na nagsasabing kunin na muna sa taunang 'block grant' [pondo] ng BARMM ang pondo para sa Sulu," anang kongresista.

"Hindi maaaring maantala ang mga serbisyo ng lokal na pamahalaan ng Sulu. Nananawagan ako sa DBM at iba pang ahensya na tiyakin ang pondo para sa lalawigan. Karapatan ito ng bawat mamamayan sa Sulu mula sa national government," dagdag niya.

Ayon kay Hataman, batay sa datos na mula sa BARMM, nasa P9 bilyon ang kailangang pondo ng Sulu. Dahil sa P1.53 trillion na target budget deficit sa 2025, batid ng kongresista na magiging malaking pagsubok kung saan kukunin ang naturang pondo na ilalaan sa Sulu.

"Kailangang planuhin nang maayos ang proseso ng transisyon. Malaki ang epekto ng exclusion ng Sulu sa BARMM, kaya kailangan itong tutukan,” giit ni Hataman.

“Dapat na mag-usap na ang national at provincial government kung paano sosolusyunan ang problemang ito. Sana ay magkaroon ng plano ang gobyerno para siguruhin ang kapakanan ng mga taga-Sulu," patuloy niya.-- FRJ, GMA Integrated News